Cavite – Tinatayang Php5,168,000 na halaga ng shabu ang nasabat sa isang High Value Individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Silang Crossing East, Tagaytay City, Cavite nito lamang Sabado, Marso 18, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Christopher Olazo, Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Juliet'”, 38, residente ng #541 Purok 3, Brgy. San Pedro 2, Magalang, Pampanga.
Ayon kay PCol Olazo, bandang 2:30 ng madaling araw nang nahuli ang suspek ng pinagsanib puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit, Provincial Drug Enforcement Unit ng Cavite , Tagaytay City Police Station, Regional Intelligence Unit 4A, PNP Drug Enforcement Group -Special Operation Unit 4A at Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober sa suspek ang isang malaking transparent plastic zip lock na naglalaman ng 760 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang Php5,168,000, isang pirasong genuine Php1,000 bill na isinama sa Php1,199,000 na pekeng pera bilang boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ang inyong kapulisan ay hindi tumitigil sa paglaban sa kriminalidad lalong lalo na pagdating sa ilegal na droga at tayo ay hindi magpapabaya anumang araw at panahon ay ipagpapatuloy ng Cavite pulis ang paghabol at paghuli sa mga masasamang loob at salot sa lipunan,” ani PCol Olazo.
Panulat Ni PEMS Joe Peter Cabugon/RPCADU 4A