Zamboanga City – Nasabat ang tinatayang Php4,025,000 na halaga ng smuggled cigarettes at sa kulungan ang lagpak ng isang lalaki matapos mahuli ng mga tauhan ng Zamboanga City PNP sa Southcom Village, Brgy. Upper Calarian, Zamboanga City nito lamang Mayo 11, 2023.
Ayon kay Police Colonel Alexander Lorenzo, City Director ng Zamboanga City Police Office, bandang 5:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Zamboanga City Intelligence Unit at Zamboanga City Police Station 8 na nagresulta sa pagkaaresto ni alyas “Sonny”, may asawa at residente ng Barangay San Roque, Zamboanga City.
Nakumpiska ang aabot sa 115 master cases ng Aokley Original smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php4,025,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 1401 (Unlawful Importation or Exportation) ng RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang Pambansang Pulisya ay nagpapaalala sa mamamayan na huwag gumawa ng ano mang ilegal na gawain o aktibidad upang hindi humantong sa pagkakakulong.
Panulat ni Patrolman John Ronald Tumonong/RPCADU 9