Lanao del Sur – Tinatayang Php4,000,000 halaga ng marijuana ang sinira ng PNP at AFP sa isinagawang operasyon sa Maguing, Lanao del Sur nito lamang Linggo, Hunyo 19, 2022.
Ayon kay Police Colonel Jibin Bongcayao, Acting Provincial Director ng Lanao del Sur Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng 3rd Platoon, 1st Provincial Mobile Force Company, Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit ng LDSPPO; PNP-Drug Enforcement Group – Special Operations Unit BAR; PNP-Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 10; 5th Infantry Division – 1st Infantry Battalion Bravo Company at Maguing Municipal Police Station.
Dagdag pa, ang nasabing plantasyon ay matatagpuan sa bulubunduking lugar ng Brgy. Bato-Bato sa nasabing munisipalidad at sinasaka ng isang kinilalang “Kumander Lomala Pangampong”, residente ng nasabing lugar na nagawang makaiwas sa pag-aresto kasama ang kanyang mga kasamahan matapos maramdaman ang pagdating ng mga operatiba.
Sinunog naman ng mga operatiba ang tinatayang aabot sa 20,000 fully-grown na halaman ng marijuana na nagkakahalaga ng Php4,000,000.
Inihahanda na ng Maguing Municipal Police Station ang kaukulang kasong kriminal na isasampa sa korte laban sa mga suspek.
“Ang tagumpay ng joint operation ay isang collaborative effort sa pagitan ng security forces at ng komunidad,” ani PCol Bongcayao.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz