Davao City – Tinatayang aabot sa Php490,080 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isinasagawang checkpoint ng mga awtoridad sa kahabaan ng Licanan, Lasang, Davao City nito lamang Linggo, Mayo 7, 2023.
Kinilala ni Police Major Robel Saavedra, Station Commander ng Bunawan Police Station, ang suspek na si alyas “Alberto”, 35, residente ng Purok San Nicolas, Brgy. Buhangin, Davao City na tinaguriang Top 2 High Value Individual sa City Level.
Ayon kay PMaj Saavedra, naaresto ang suspek matapos dumaan ang kanyang sinasakyan na pampublikong bus ng pinagsamang tauhan ng Bunawan PNP at Task Force Davao at nakitaan ng ilegal na droga.
Nakuha mula sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 30.63 gramo na may street market value na Php490,080.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nasabing suspek.
Nagbabala naman ang tauhan ng PNP na huwag ng gumawa ng masamang gawain dahil pursigido ang mga awtoridad na hulihin ang mga lalabag sa batas.
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara/RPCADU11