Parañaque City — Tinatayang umabot sa mahigit Php48 milyong halaga ng shabu ang nasakote sa tatlong drug suspek sa isinagawang joint buy-bust operation ng mga otoridad nito lamang Martes, ika-20 ng Hunyo 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Kirby John Kraft, District Director ng Southern Police District, ang mga suspek sa pangalang Normina, 38; Alfredo, 48; at Alvino, 47.
Ayon kay PBGen Kraft, naganap ang operasyon bandang alas-2:30 ng hapon sa Parañaque City sa pinagsanib puwersa ng PDEA RO-NCR Northern District Office at PDEA Southern District Office kasama ang NCRPO-Regional Drug Enforcement Unit, District Drug Enforcement Unit, SPD, -SPD, Philippine Drug Enforcement Unit, NCR, Station Drug Enforcement Unit at Sub- Station 6 ng Parañaque City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 7.2 kilo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng Php48,960,000; mga sari-saring drug paraphernalia kabilang ang weighing scale, plastic, lighter, anim na cellphone, Php500 na ginamit bilang buy-bust money na may kasamang boodle money, record notebooks, bank slips, at ATM bank card.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasabing suspek.
“Patuloy ang aming suporta at pakikipagtulungan sa ibang ahensya upang makamit ang iisang misyon na matuldukan ang problema ng bansa sa ilegal na droga”, ani PMGen Edgar Alan O Okubo, Regional Director ng NCRPO.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos