Dasmarinas City, Cavite – Tinatayang Php480,000 halaga ng marijuana ang nakumpiska sa isang High Value Individual (HVI) habang nakatakas ang isang kasama sa isinagawang buy-bust operation ng Cavite PNP nito lamang Huwebes, Agosto 25, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rodel Ban-O, Chief, Police Intelligence Unit ng Dasmarinas City Police Station, ang suspek na sina Jim Axel Bucal Y Trinidad alyas “Jim”, 21, HVI, walang trabaho, residente ng 263 So. Pook, Brgy. Paliparan 3 Dasmariñas City, Cavite at Mark Robert Dumala, nakatakas, nasa wastong gulang, residente ng So. Pintong Gubat, Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay PLtCol Ban-O, bandang 5:15 ng hapon naaresto si Bucal sa So. Pintong Gubat, Brgy. Paliparan 3 Dasmariñas City, Cavite ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit 4A at Dasmarinas City Police Station.
Narekober mula kay Bucal ang tatlong bricks na may hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 4000 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php480,000, isang pirasong genuine Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money, 24 pirasong pekeng Php1,000 bill bilang buy-bust money at isang itim na eco bag.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang PNP sa pagpapaigting sa kampanya laban sa ilegal na droga at hinihikayat ang mga mamamayan na makiisa sa tuluyang pagsugpo ng talamak na pagbebenta at paggamit ng droga sa komunidad na nakasira sa buhay ng mga mamamayan lalo na ang kinabukasan ng mga kabataan.
Source: Provincial Drug Enforcement Unit 4A
###
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin