Nueva Vizcaya – Nasabat ng Novo Vizcayano Cops sa PNP Checkpoint ang isang van na naglalaman ng Php470,000 halaga ng kontrabandong kahoy sa Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya nitong Linggo, ika-2 ng Abril 2023.
Ayon kay Police Captain Gerald Tutaan, Team Leader ng 2nd Platoon, 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, hinabol ng mga pulis ang isang kahina-hinalang van na mabilis na nagmaniobra habang papalapit sa checkpoint.
Agad naman umamin ang driver ng sasakyan na may karga itong mga hindi dokumentadong kahoy matapos maabutan ng kapulisan.
Kinilala ni PCpt Tutaan ang suspek na si alyas “Jerry”, 38, at residente ng Bulanoa, Tabuk, Kalinga. Ayon sa kanya, kinabahan siya nang makita ang checkpoint kaya agad nitong inikot ang sasakyan upang makaiwas dito.
Nakuha mula sa van na minamaneho ng suspek ang mga kahoy na may kabuuang sukat na 954 board feet.
Nahaharap si alyas Jerry sa kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code.
Samantala, siniguro naman ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office na patuloy nilang papaigtingin ang kampanya laban sa ilegal na pagputol at pagbebenta ng mga kahoy na lubhang nakakasira sa kalikasan.
Source: Nueva Vizcaya Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes