Nasabat ang Php432,000 halaga ng smuggled cigarettes ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit Zamboanga Sibugay Police Provincial Office kasama ang 2nd Police Provincial Mobile Force Company at Ipil Municipal Police Station sa Purok Santan, Caparan, Ipil, Zamboanga Sibugay noong ika-8 ng Abril 2024.
Ayon sa ulat, bandang 12:50 ng hating gabi ng magsagawa ng operasyon ang nasabing mga awtoridad nang may napansin na dalawang di pa nakikilalang tao na nagsasalansan ng mga kahon sa tabing ilog ngunit dali-dali ring nakatakas ang mga ito ng maramdaman na may mga awtoridad na paparating.
Nakuha mula sa nasabing lugar ang 25 kahon ng Canon at 11 master cases ng New Far cigarettes na may kabuuan na 36 na kahon na may tinatayang halaga na Php432,000, habang ang dalawang suspek ay patuloy na pinaghahanap ng mga pulisya.
Ang mas pinaigting at mahusay na operasyon ay patunay sa pagkakaisa ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagsugpo ng mga ilegal na gawain para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Panulat ni Pat Joyce Franco