Davao City – Tinatayang Php425,600 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isang lalaki sa buy-bust operation ng tauhan ng PNP at PDEA sa Purok- 8, Cristina Homes, Brgy. Bankas Heights, Toril, Davao City, noong Hulyo 13, 2022.
Kinilala ni PMaj Carol Jabagat, Station Commander ng Toril PS, ang suspek na si Tyrone Dalde Taran alyas “Agaw”, 27, at tinaguriang Top 5 High Value Individual sa regional level.
Ayon kay PMaj Jabagat, naaresto ang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng tauhan ng Toril PS at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA 11.
Dagdag pa ni PMaj Jabagat, nakuha mula sa suspek ang ilang piraso ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 30.4 gramo at may street market value na Php425,600 at marked money na ginamit sa operasyon.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, pinuri naman ni PBGen Benjamin Silo Jr., PRO11 Regional Director ang nasabing operasyon at ito ay isa lamang sa mga matatagumpay na operasyon ng Police Regional Office 11 kontra ilegal na droga sa lungsod.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara