Lanao del Sur – Tinatayang Php422,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa limang indibidwal sa isinagawang buy-bust operation ng Saguiaran Municipal Police Station sa Brgy. Pagalamatan, Saguairan, Lanao del Sur nito lamang ika-3 ng Hunyo 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Allan Nobleza, Regional Director ng PRO BAR, ang mga naaresto na sina Sadat Pangcoga alyas “Sadat”, isang High Value Individual, kasama ang kanyang 4 na kasabwat na sina Abolkair Pangcoga alyas “Abol”, Michael Rambangon, Khalil Bangkero, at Saif Pangcoga, na pawang mga nasa tamang edad at residente ng Saguiaran, Lanao del Sur.
Ayon kay PBGen Nobleza, matapos makakuha ng ilegal na droga ang isang poseur buyer ay agad na rumesponde ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagbuwag sa isang drug den.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 113 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 65 gramo at nagkakahalaga ng Php422,000; buy-bust money; iba pang mga kagamitan sa droga; isang yunit ng caliber 38 revolver na may 4 na bala; 1 MK2 fragmentation hand grenade; at 1 rd. CTG 40 mm.
Ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at R.A 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”
“I commend the combined operatives involved in the success of this operation. Ang sunod-sunod na operasyong ito ay mga patunay ng ating aggressive and honest law enforcement operations and through community engagement ay sama-sama nating malalabanan ang illegal drugs selling and use sa ating rehiyon” ani PBGen Nobleza.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz