Dalawang drug suspek ang arestado at tinatayang Php408,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Cagayan de Oro City PNP nito lamang ika-21 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Salvador R Radam, City Director ng Cagayan de Oro City Police Office, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Junjun” at alyas “Jimboy”; habang si alyas “Baki Boyen” na nakatakas matapos manaksak ng back-up team ng naturang operasyon.
Nakumpiska sa buy-bust operation ang anim na pakete na hinihinalang shabu na may bigat na nasa 60 na gramo na may standard drug price na Php408,000; tatlong cellphone; Php 500 bill na ginamit bilang buy bust money.
Ang mga suspek na sina alyas “Junjun” at “Jimboy” ay dati ng naaresto sa parehas na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at si alyas “Baki Boyen” ay mahaharap naman sa kasong Frustrated Murder.
Ang sugatan na operatiba ay agad naman naisugod sa pinakamalapit na pagamutan para sa paunang lunas at nasa maayos na kalagayan.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Jaysen C De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office 10, ang mga operatiba para sa matagumpay na operasyon at dedikasyon sa paglaban kontra ilegal na droga, “Let this operation serve as a stern warning to those who continue to peddle illegal drugs. We will spare no effort in ensuring the safety and security of our communities.”