Nasabat ng Angeles PNP ang Php408,000 halaga ng shabu sa isang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Pulungbulu, Angeles City nito lamang Martes, ika- 23 ng Enero 2025.
Ayon kay Police Colonel Joselito E Villarosa Jr., Acting City Director ng Angeles City Police Office, ang naarestong suspek na si alyas “Nonoy”, 48 anyos, walang asawa at residente ng Barangay Pulung Maragul, Angeles City.
Naging matagumpay ang operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit, Police Station 1 Angeles City Police Office sa nasabing operasyon.
Nakumpiska mula sa suspek ang marked money, isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang maliit na itim na pouch na naglalaman ng knot-tied transparent plastic icepack na may hinihinalang shabu at may tinatayang bigat na 60 gramo na may Standard Drug Price na Php408,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang Angeles PNP ay patuloy na nagsusumikap at nagkakaisang tumutugon sa kampanya laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan para sa mas maunlad na Bagong Pilipinas.