Cagayan de Oro City – Tinatayang Php408,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa ikinasang buy-bust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit 10 sa Villa Trinitas, Brgy. Bugo, Cagayan de Oro City nito lamang Setyembre 28, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Demver Vergara, Hepe ng Regional Drug Enforcement Unit 10, ang mga suspek na sina alyas “Bantham”, 30 anyos at residente ng Zone 6, Barangay Bugo, Cagayan de Oro City at alyas “Johndel”, 27, na residente ng Purok 8, Villanueva, Misamis Oriental.
Bandang 11:30 ng umaga nang ikasa ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit 10 katuwang ang Cagayan de Oro City Police Station 9 na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Sa naturang operasyon nakuha ang walong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 60 gramo na may Standard Drug Price na Php408,000; isang Samsung Cellphone; isang Weighing Scale; isang Sling Bag; isang Pitaka at isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay resulta sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at anumang uri ng kriminalidad ng PRO 10 upang mapanatili ang ligtas at payapa ang buong rehiyon.