Kalinga – Tinatayang Php4,597,200 halaga ng marijuana bricks ang nasabat ng Kalinga PNP sa Block 3, Purok 5, Tabuk City, Kalinga nito lamang Hunyo 12, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General David Peredo Jr., Regional Director ng Police Regional Office Cordillera, ang mga suspek na sina alyas “Sandy”, alyas “Raymond” pawang residente ng Bulacan; alyas “Michael”; alyas “Keneth”, alyas “Matthew”, alyas “John”, at alyas “Rhecel”, pawang residente naman ng Angeles, Pampanga.
Matagumpay ang naging operasyon sa pinagsamang puwersa ng Tabuk City Police Station, Kalinga Provincial Intelligence Unit/ Philippine Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, Regional Drug Enforcement Unit katuwang ang mga tauhan ng Kalinga PECU, Regional Intelligence Division PROCOR, 1st at 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 15 at PIT Kalinga RIU-14.
Naaresto ang mga suspek sa isinagawang interdiction operation matapos makatanggap ng tawag mula sa PDEA Kalinga na isang sasakyan na Toyota Hi-ace na may Plate No. NEI-1380 ang magbabyahe na may dalang marijuana bricks mula sa Tinglayan, Kalinga.
Tumambad sa mga awtoridad ang 38 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa transparent plastic na may timbang na humigit kumulang 38 kilograms at may Standard Drug Price (SDP) na Php4,560,000, dalawang bricks ng dried marijuana leaves with fruiting na may SDP na Php36,000, at isang 7/11 paper bag na naglalaman din ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na may SDP na tinatayang Php1,200 kasama ang iba pang non-drug evidences.
Patuloy ang Kalinga PNP sa pagpapaigting ng operasyon laban sa kriminalidad at kampanya kontra ilegal na droga upang mapanatiling tahimik at maayos ang komunidad.