Kalinga – Tinatayang nasa Php4,500,000 halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng Kalinga PNP sa kanilang tuloy-tuloy na isinagawang marijuana eradication sa Brgy. Buscalan, Tinglayan, Kalinga nito lamang ika-27 ng Abril 2023.
Naging matagumpay ang operasyon sa pinagsamang puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit/ Regional Drug Enforcement Unit/RSOG/RID PRO COR, Tinglayan Municipal Police Station, Benguet Provincial Intelligence Unit, 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company, PNP Special Action Force at PDEA Kalinga na nagresulta sa pagkakadiskubre ng dalawang plantasyon.
Sa unang plantasyon ay nadiskubre ng mga operatiba ang 20,000 Fully Grown Marijuana Plants (FGMJP) na may Standard Drug Price na Php4,000,000. Habang sa pangalawang plantasyon ay nadiskubre ang 2,500 FGMJP na may Standard Drug Price na Php500,000.
Kaagad namang binunot at sinunog ng mga operatiba ang nadiskubreng marijuana plants at walang nahuling marijuana cultivator sa lugar ng pagkakadiskubre.
Ang Cordillera PNP ay magpapatuloy sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na droga at hindi titigil sa pagpuksa sa pagtatanim ng mga ipinagbabawal na halaman upang masiguro ang ligtas at masaganang pamayanan.