Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Caloocan City Police Station ang dalawang tinaguriang High Value Individual (HVI) na suspek makaraang makumpiskahan ng mahigit Php4.45 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana at kush nito lamang Biyernes, Enero 3, 2025.
Kinilala n Police Colonel Josefino Ligan, Officer-In-Charge ng Northern Police District, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Lester”, 21 taong gulang, nakatira sa Sto Tomas Village 7 Ext. Deparo at alyas “Luigi”, 27 taong gulang, residente ng Mentors Village Subdivision ng naturang lungsod.
Ayon kay PCol Ligan, ikinasa ng mga operatiba ng Caloocan Station Drug Enforcement Unit (SDEU) katuwang ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 10 ang nasabing operasyon matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek bandang 1:35 ng madaling araw sa Block 2, Lot 20 Mentors Village Subdivision, Barangay 175 sa naturang lungsod.
Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang 36,530 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang Php4,383,600 at 50 gramo ng high grade marijuana (kush) na nagkakahalaga naman ng Php75,000.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26 Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002” ang mga nahuling suspek.
Pinapurihan ni PCol Ligan, ang Caloocan PNP sa patuloy na pagsugpo at pagtugis sa mga nasa likod ng ilegal na aktibidad sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Source: NPD PIO