Cebu – Tinatayang nasa higit apat na milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Cebu City Police Office (CCPO) mula sa isang habal-habal driver na nadakip sa ikinasa na buy-bust operation sa Fernandez Compound, Banawa, Brgy. Guadalupe, Cebu City noong Martes, Abril 25, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Ireneo Dalogdog, City Director ng CCPO, ang naaresto na si ‘EJ’, 35, residente ng Brgy. Bulacao Pardo ng kaparehong lungsod at naitala bilang High Value Individual.
Ayon kay Police Colonel Dalogdog, dakong alas-3:35 ng hapon ng ilunsad ng mga miyembro ng City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ang operasyon na humantong sa agarang pagkakaaresto nito matapos makatransaksyon at makabili ng droga ang nagpanggap na poseur buyer.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 650 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php4,420,000, isang brown sling bag, at ang nagamit na buy-bust money.
Tiniyak ng Cebu City PNP na ang walang humpay na kampanya nito kontra ilegal na droga at lahat ng kriminalidad ay kanila pa lalong paiigtingin at pag-iibayuhin para sa pagsusulong at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng lungsod.