Mahigit Php3 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isang COMELEC checkpoint sa Purok 4, Barangay Biwang, Bagumbayan, Sultan Kudarat nito lamang Enero 23, 2025.
Ayon kay Police Major Ronalyn P Domider, Hepe ng Bagumbayan Municipal Police Station, naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Bagumbayan Municipal Police Station, Regional Intelligence Division -12, at 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.
Nabatid na naharang ang dalawang unit ng mini-van na may lamang 2,850 na ream ng sigarilyo na nagkakahalaga ng Php3,060,900.
Nabigo ang dalawang driver ng mga naturang sasakyan na kinilalang sina alyas “Delarmente” at alyas “James” na parehong nasa wastong gulang, na magpakita ng mga kaukulang dokumento sa pagbiyahe ng nabanggit na mga sigarilyo dahilan upang kumpiskahin ito ng mga otoridad.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o “Graphic Health Warning Law”, RA 10845 o “Anti-Smuggling Act” at RA 12022 o “Anti-Agricultural Sabotage Act”, ang mga nahuling suspek.
Pinapurihan naman ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Acting Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 12, ang mga nasa likod ng matagumpay na pagharang sa nasabing kontrabando.
Dagdag nito, mahigpit na babantayan ng buong hanay ng PRO 12 ang mga lansangan sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng checkpoint upang masawata ang mga lumalabag sa batas partikular sa pagpasok ng mga smuggled items sa rehiyon.
Panulat ni Pat Kherwin Jay Medelin