Tinatayang Php374,000 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Nueva Ecija PNP na kung saan arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bangad, Cabanatuan City, Nueva Ecija nito lamang Lunes ika-14 ng Abril 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Renato C Morales, Hepe ng Cabanatuan City Police Station, ang naarestong suspek na isang lalaki, 44 anyos at residente ng naturang barangay.
Dakong 12:04 ng madaling araw nang ikasa ng mga tauhan ng Cabanatuan Station Drug Enforcement Unit, ang naturang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng limang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 55 gramo at may Standard Drug Price na Php374,000 na may kasamang homemade Caliber .38 revolver at tatlong bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at Section 5 at 11 ng RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy na pinagtibay ng Nueva Ecija PNP ang kampanya kontra ilegal na droga upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan, bilang bahagi ng layunin tungo sa isang Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Pearl Crystalynne Javier