Uson, Masbate – Tinatayang nasa Php363,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa buy- bust operation ng Masbate PNP at PDEA RO5 sa Barangay Buenavista, Uson, Masbate nito lamang Huwebes, Agosto 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Rolly Albaña, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office, ang suspek na si Nestor Arzula Jr. y Esmero alyas “Tor”, fish vendor, residente ng nabanggit na lugar at kabilang sa listahan ng Regional Recalibrated Drug Personality ng nasabing probinsya.
Ayon kay PCol Albaña, naaresto ang suspek sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5, Masbate 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company, Uson Municipal Police Station, Masbate Provincial Drug Enforcement Unit at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA-Masbate Regional Office.
Ayon pa kay PCol Albaña, nakabili ang isang poseur buyer ng isang heat-sealed transparent sachet ng shabu kapalit ang Php23,000 at sa isinagawang body search ay narekober ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php340,000.
Nasa kabuuang 50 gramo ng shabu ang nakumpiska sa suspek na may tinatayang halaga na Php363,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang pamunuan ng PRO5 sa pangunguna ni Police Brigadier General Rudolph B. Dimas, Regional Director ay patuloy sa paglulunsad ng mga operasyon upang matigil na ang paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa rehiyon kasabay ang pinaigting na information awareness campaign para maintindihan ng publiko lalo na ng mga kabataan ang masamang epekto ng paggamit ng ilegal na droga.
Source: KASUROG Bicol
###
Panulat ni Patrolman Rodel Grecia