Tandubas, Tawi-Tawi – Nakumpiska ng puwersa ng PNP ang Php359,778 halaga ng shabu at matataas na kalibre ng baril sa Brgy. Kakoong, Tandubas, Tawi-Tawi noong Hulyo 31, 2022.
Ayon kay PLt Yahiya Knaik, Officer-In-Charge ng Tandubas Municipal Police Station nang may tumawag na concerned citizen na may kahina-hinalang mga armadong kalalakihan sa lugar.
Agad naman itong pinuntahan ng Tandubas MPS katuwang ang Tawi-Tawi Provincial Mobile Force Company para beripikahin ang nasabing report ngunit pagsapit palang nila sa nasabing lugar ay kaagad silang pinaputukan ng mga armadong kalalakihan. Tumagal ang palitan ng putok ng halos dalawampung minuto.
Nauwi sa engkwentro ang insidente na kung saan ay tatlo sa mga armadong kalalakihan ang namatay at tatlo naman ang naaresto.
Hindi muna isinapubliko ang mga pangalan ng mga sangkot sa insidente dahil aalamin pa kung saan talaga galing ang nakumpiskang droga na natagpuan sa lugar.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 52 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na Php359,778.
Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang tatlong M14 rifle, M16 A1 (5.56mm) Elisco na may M203 grenade launcher, isang KG9 9mm luger automatic sub machine gun, dalawang rifle grenade, 14 na M14 magazines, siyam na M16 magazine, dalawang KG9 magazines, dalawang sniper scope, iba’t ibang ammos at apat na bandolier.
Ang mga naarestong suspek ay dinala sa Tandubas MPS para sa dokumentasyon at ang mga namatay na suspek ay dinala sa Tuan Ligaddung Lipae Memorial Hospital at ituturn over sa kanilang mga pamilya.
Samantala, ang crime scene ay itinurn over sa Tawi-Tawi Provincial Field Unit para suriin ang mga baril at bala na natagpuan sa pinangyarihan ng insidente.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang PNP ay patuloy na hihigpitan ang seguridad sa lugar at lalo pang babantayan ang mga kalakaran ng ilegal na droga sa komunidad.
###
Panulat ni Patrolman Mark Vincent Valencia