Arestado ang isang 23 anyos na suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit nito lamang Miyerkules, Nobyembre 20, 2024 bandang 7:15 ng gabi sa P. Mariano Street, Barangay Ususan, Taguig City.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard Yang, District Director ng Southern Police District, ang suspek na si alyas “Clyde” na nahuli matapos magbenta ng ilegal na droga sa isang undercover na operatiba.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na humigit-kumulang 50.5 gramo ang bigat at may tinatayang street value na Php343,400, buy-bust money at red belt bag.
Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa nasabing suspek.
Hinihikayat ng SPD ang bawat mamamayan na makiisa sa programa ng PNP na labanan ang ilegal na droga upang wakasan ang masamang epekto nito sa ating lipunan.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos