Arestado ang dalawang High Value Individual (HVI) kasunod ng matagumpay na anti-illegal drug operation na isinagawa ng Baguio City Police Office City Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Baguio sa Burham, Barangay Legarda, Baguio City nito lamang Abril 1, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Ruel D Tagel, City Director ng Baguio City Police Station, ang dalawang suspek bilang 40-anyos na lalaki at 26-anyos na babae na pawang residente ng Das Marinas, Cavite at kabilang sa High Value Individual.
Nasamsam ng pulisya mula sa mga suspek ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu at may Standard Drug Price na Php340,000, isang pirasong orihinal Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, 99 piraso ng Php1,000 bill bilang boodle money, isang (1) maliit na block box, isang (1) black belt bag, isang (1) itim na pitaka, isang (1) National Id, isang (1) puting power bank na may kurdon, isang (1) iPhone touchscreen na cellphone, at 1 OPPO touchscreen cellphone.
Ang operasyon ay naging matagumpay dahil din sa pagtutulungan ng BCPO City Intelligence Unit, BCPO Police Station 7, Regional Drug Enforcement Unit, at PDEA-Cordillera Administrative Region.
Samantala, patuloy ang panawagan ng Baguio City PNP sa publiko na ipagpatuloy ang kanilang suporta sa pagsusumikap ng gobyerno laban sa ilegal na droga para sa isang mas ligtas, payapa, at drug free na komunidad.