Nasamsam ng mga operatiba ng Southern Police District ang tinatayang Php340,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Las Piñas nito lamang Huwebes, Agosto 29, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Leon Victor Z Rosete, District Director ng SPD, ang mga suspek na sina alyas “Bayan”, 37 anyos, isang High Value Individual (HVI), at alyas “Bainot”, 32 anyos, na nakalista naman bilang Street Level Individual (SLI) na pusher.
Pinangunahan ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng SPD kasama ang DID, PDEA-SDO, DSOU, DMFB, at ang Talon Sub-Station 4 ng Las Piñas City Police Station ang naturang operasyon na naganap sa kahabaan ng Marcos Alvarez Avenue, Barangay Talon Uno, Las Piñas City bandang 11:45 ng gabi.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na Php340,000, isang Php1,000 bill na may kasamang 54 na piraso ng Php1,000 na boodle money na ginamit bilang buy-bust money, at isang android phone.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Seksyon 5 at 26 sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002” ang mga nahuling suspek.
Lalo pang palalakasin ng SPD upang patuloy na madakip ang mga indibidwal na may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga sa kanilang mga nasasakupang lugar upang maitaguyod ang isang maunlad na pamayanan.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos