Timbog ang mag-asawa sa Talisay City, Cebu matapos makuhanan ng nasa Php340,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation na inilunsad ng mga operatiba ng Talisay City Police Station noong Sabado, ika-29 ng Oktubre 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, Officer-In-Charge, ang mga naaresto na sina Arnold Tiu, 57, kabilang sa High Value Individual, at ang asawa nitong si Dolores Tiu, 58, na pawang residente ng Barangay Cogon Pardo, Cebu City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Caballes, naaresto ang mga suspek bandang 12:55 ng madaling araw noong Sabado sa Sitio Mananga 1, Barangay Tabunok, Talisay City, Cebu.
Kabilang sa mga nakumpiska sa mag-asawa ang nasa 50 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na Php340,000, isang unit ng calibre .38 revolver, at buy-bust money.
Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ang pagkakaaresto ng mga suspek ay nagpapakita sa maayos at epektibong pamamaraan ng Talisay City PNP sa kanilang kampanya kontra ilegal na droga maging sa anumang uri ng kriminalidad.
Sinisiguro ng pulisya na hindi sila hihinto sa kanilang mga hakbangin upang tuluyang tuldukan ang problema sa ilegal na droga sa lungsod.