Tinatayang Php340,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng Zamboanga PNP sa Dipolog City, Zamboanga del Norte nito lamang Abril 07, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Dionisio B Bartolome Jr., Director ng PNP Drug Enforcement Group, ang suspek na isang 28 anyos na lalaki, motor cab driver at residente ng Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Ayon kay PBGen Bartolome, naging matagumpay ang operasyon sa pangunguna ng PDEU 9 katuwang ang Dipolog City Police Station, Zamboanga del Norte Provincial Drug Enforcement Unit, 901st Regional Mobile Force Battalion 9 at PDEA-Zamboanga del Norte.

Nakumpiska mula sa suspek ang siyam na heat-sealed transparent plastic sachet na may timbang na mahigit kumulang 50 gramo at nagkakahalaga ng Php340,000, isang bundle ng boodle money na nagkakahalaga ng Php15,000, isang unit ng Yamaha Mio Motorcycle na may plate number 101JTZ at iba pang non-drug evidence.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patunay lamang na ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan ay hindi nagpapabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin na hulihin ang mga taong sangkot sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga upang mapanatiling ligtas ang mga mamamayang nasasakupan at makamit ang isang drug-free na pamayanan tungo sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Joyce Abiog