Tejeros, Makati City — Umabot sa Php340,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang babae na isa sa drug watchlist ng pulisya sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Makati City Police Station nito lamang Martes, Hulyo 12, 2022.
Kinilala ni SPD Director PBGen Jimili Macaraeg, ang suspek na si Marilou Chavez y Francisco alyas “Ana”, 54, residente ng Makati City.
Ayon kay PBGen Macaraeg, dakong 7:17 ng gabi naaresto si Chavez sa kahabaan ng Aguilar St. Barangay Tejeros, Makati City, ng pinagsanib na pwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at PDEA.
Nakarekober mula kay Chavez ang siyam na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang tunay na Php1000 na ginamit bilang buy-bust money, at isang puting coin purse.
Mahaharap si Chavez sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Magandang trabaho ang ginawa ng Makati City Police Station, ang kanilang determinasyon at pagpaplano sa pagdala nitong drug pusher behind bars is truly commendable, sa ating mga kababayan nawa’y magpatuloy ang ating magandang ugnayan upang malaban natin ang ilegal na droga dito sa ating nasasakupan, sa inyong partisipasyon, tiyak na magtatagumpay tayo sa ating adhikain na wakasan ang ilegal na droga sa ating bayan,” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos