Taguig City — Nakumpiska ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit ang Php340,000 halaga ng shabu sa isang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation nito lamang Martes, Hunyo 6, 2023.
Kinilala ang suspek na si alyas “Salodin”, 40 taong gulang.
Ayon kay Police Brigadier General Kirby John Kraft, District Director ng Southern Police District, naganap ang operasyon bandang 3:30 PM, sa open parking lot ng Sunshine Mall, Brgy. Western Bicutan, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Salodin”.
Sa operasyon, narekober ng mga otoridad ang isang medium-sized heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit kumulang 50 gramo ang bigat at may Standard Drug Price na Php340,000, isang navy blue coin pouch, at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na Php1,000 at 79 piraso ng Php1,000 na boodle money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 Art II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni PMGen Edgar Alan O Okubo, Regional Director ng NCRPO, ang Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit sa kanilang mabilis at epektibong operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang High Value Indibidwal. Aniya, “Nananatiling matatag ang NCRPO sa pangako nitong labanan ang banta ng droga at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng komunidad.”
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos