Caloocan City — Umabot sa Php340,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa isang lalaki na tinaguriang High Value Individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station nito lamang Biyernes, Agosto 4, 2023.
Kinilala ni PBGen Rizalito Gapas, District Director ng NPD, ang suspek sa pangalang Janreb (HVI), Delivery Rider at kasalukuyang naninirahan sa Barangay 176, Caloocan City.
Nagsagawa ng planadong operasyon ang mga awtoridad na humantong sa pagkakaaresto sa suspek matapos magbenta ng isang (1) pirasong medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu sa mga pulis na umaktong poseur buyer kapalit ng buy-bust/boodle money bandang alas-4:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Phase 7B Package 1, Barangay 176, Caloocan City.
Nakumpiska naman sa suspek ang dalawang (2) piraso ng medium heat-sealed transparent plastic sachet na parehong naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo at may Standard Drug Price na Php340,000; at isang (1) piraso ng Php500 na may kasamang 74 piraso na Php1,000 boodle money.
Paglabag sa Seksyon 5 at 11 ng Artikulo II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng suspek.
Ang Pambansang Pulisya ay mananatiling alerto at patuloy sa pagpapatrolya sa bawat lansangan upang mapigilan ang talamak na bentahan ng ilegal na droga sa bansa.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos