Nasabat ang tinatayang Php318,000 halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang street level drug personalities sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Taguig City Police Station sa Barangay Upper Bicutan at Barangay East Rembo nito lamang Huwebes, Marso 20, 2025.
Ayon kay Police Colonel Joey T. Goforth, Hepe ng Taguig CPS, ikinasa ang unang operasyon dakong 9:10 ng gabi ng Station Drug Enforcement Unit ng Taguig CPS sa Barangay Upper Bicutan na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek na kinilalang si alyas “Amir,” 35 anyos, at residente ng Block 69 Lot 8, Tibi Street, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.
Nakumpiska mula sa suspek ang limang medium-sized na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 30 gramo at may Standard Drug Price na Php204,000, isang tunay na Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money, limang piraso ng Php1,000 na boodle money, at isang berdeng pouch.
Sa isa pang buy-bust operation na isinagawa dakong 8:50 ng gabi sa Barangay East Rembo, nadakip din ng mga operatiba ng nasabing istasyon ang isang suspek na kinilalang si alyas “Freniel,” 33 anyos, Shopee rider, at residente ng No. 14 C-Sexon Street, Barangay Tabacalera, Pateros.
Nakumpiska sa nasabing suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 16.9 gramo at may SDP na Php114,920, dalawang tunay na Php100 bill, isang piraso ng Php1,000 boodle money, isang brown wallet, at isang driver’s license.
Samantala, inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa mga suspek para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinuri ni Police Brigadier General Manuel J Abrugena, District Director ng Southern Police District, ang Taguig PNP sa kanilang walang sawang pagsusumikap upang labanan ang iligal na droga at mapanatili ang kaligtasan ng publiko. Aniya, nananatiling matatag ang Southern Police District sa kanilang misyon na protektahan ang mamamayan at linisin ang mga lansangan mula sa mapanganib na droga sa pamamagitan ng masigasig sa pagpapatupad ng batas.
Source: SPD PIO