Nasabat ang tinatayang Php3,600,000 halaga ng pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsamang operatiba ng Benguet PNP at Philippine Drug Enforcement Agency CAR sa Barangay Betag, La Trinidad, Benguet noong Mayo 7, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General David K Peredo Jr., Regional Director ng Police Regional Office Cordillera, ang dalawang lalaking nahuli na mula sa Santol, La Union habang ang dalawa naman ay mula sa Tublay, Benguet.
Nahuli ng mga operatiba ang apat na suspek matapos ang isang suspek ay nagbenta ng 30 piraso ng tubular ng hinihinalang tuyong dahon at tangkay ng marijuana na may timbang na humigit-kumulang 30 kilo.
Bukod dito, nakumpiska rin ang isang itim na Toyota Fortuner na ginamit sa pagkarga at transportasyon ng iligal na droga.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy naman ang puspusang pagsisikap ng PNP at PDEA sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga para sa mapayapa at progresibong Bagong Pilipinas.