Kumpiskado ang humigit kumulang Php3,400,000 halaga ng shabu sa tatlong High Value Individuals (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Team ng Bacoor City Police Station sa Barangay Maliksi 1, Bacoor CIty, Cavite, dakong alas 3:50 ng umaga ng Agosto 22, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Eleuterio M Ricardo Jr., Provincial Director ng Cavite PPO, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Boss,” 19, alyas “Mary,” 22, at alyas “Mark,” 20, na pawang mga nakalista bilang HVI sa ilalim ng Bacoor CPS Drug Watchlist at mga residente ng Barangay Maliksi 1, Bacoor City, Cavite.
Narekober sa mga suspek ang apat piraso ng buhol buhol na transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, na may timbang na 500 gramo at may Standard Drug Price na Php3,400,000, mobile phone, handbag, at buy-bust money.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinuri naman ni PBGen Paul Kenneth T Lucas, Regional Director ng PRO4A ang mga kapulisan at publiko, aniya “Ang operasyong ito ay patunay ng kung ano ang kaya nating makamit kapag nagtutulungan ang ating kapulisan at ang publiko. Ang mabilis na aksyon ng ating mga pulis kasabay ng mapagmatyag na mata at mahahalagang impormasyon mula sa ating mga mamamayan, ay napakahalaga sa ating kampanya kontra ilegal na droga”.
Dagdag pa rito, tiniyak ni RD Lucas sa publiko na patuloy na paiigtingin ng PNP 4A ang kanilang anti-drug operations upang matiyak ang mas ligtas at drug free community. “Rest assured na mananatili at patuloy sa pagsisikap ang PNP na maalis ang ilegal na droga sa ating rehiyon at maiharap sa hustisya ang mga responsable rito. Dahil sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, Ligtas Ka.!”
Source: PRO4A-PIO
Panunulat ni Pat Maria Sarah P Bernales