Cotabato City – Kumpiskado ang Php3.4 milyong halaga ng shabu sa dalawang naarestong suspek sa isinagawang buy-bust operation ng PNP sa Purok Katamlangan, Poblacion 8, Cotabato City noong Mayo 4, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Allan Nobleza, Regional Director ng PRO BAR, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Mohamad” 26, residente ng Brgy. Poblacion 2, Cotabato City na sangkot sa malawakang pagpapakalat ng shabu sa Rehiyon ng Bangsamoro at si alyas “Akmad” 42, residente ng Brgy. Payan, Mother Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Samantala, hindi na inilabas ang pangalan ng isang suspek sapagkat nakatakas ito matapos matunugan ang mga operatiba.
Naaresto ang mga suspek ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Unit BARMM, PNP Drug Enforcement Group, Special Operation Unit BARMM, Marine Battalion Landing Team 5, at PNP Maritime Group BARMM.
Nakumpiska ang 10 piraso ng heat-sealed transparent sachets na naglalaman ng shabu na tinatayang may bigat na 500 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php3,400,000.
Nakumpiska rin ang buy-bust money na ginamit, isang itim na wallet, isang pirasong Identification card, at isang yunit ng motor (Black Honda XRM).
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Ang PNP PROBAR katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan ay walang sawang susugpuin ang ilegal na droga para makamit ang kaayusan tungo sa maunlad at mapayapang pamayanan.
Panulat ni Pat Mark Vincent Valencia