Bacolod City – Higit sa Php3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang HVI na suspek sa ikinasang buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit ng Bacolod City Police Office sa Purok Kapawa, Brgy. Tangub, Bacolod City, pasado 2:31 ng madaling araw ng Miyerkules, ika-29 ng Marso 2023.
Kinilala ni Police Captain Joven Mogato, Hepe ng CDEU-BCPO, ang suspek na si Sean Batifora Navarro a.k.a “Sean/Jay-ar”, 26, binata, residente ng Purok Kasilingan, Brgy. Mansilingan, Bacolod City.
Narekober sa suspek ang Php3,000 na buy-bust money, tatlong piraso ng knot-tied transparent plastic sachet, apat na piraso ng heat-sealed transparent plastic na pawang naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu (buy-bust item), isang sling bag, isang pouch, at isang yunit ng Yamaha Nmax 155 na walang plate number.
Ang mga nakumpiskang shabu ay humigit kumulang 506 gramo ang bigat at may tinatayang halaga na Php3,440,800.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Ang matagumpay na buy-bust operation ay bunga ng malawakang pagsisikap ng PRO6 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Leo M Fancisco para sa tuloy-tuloy na mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga upang makamit ang isang maayos, payapa at maunlad na rehiyon ng Western Visayas.