Quezon – Nasamsam ang tinatayang Php3,244,824 halaga ng shabu sa dalawang High Value Individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon PNP nito lamang Agosto 26, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang dalawang suspek na sina alyas “Mayor”, 43, residente ng Brgy. Silangang Mayao at alyas “Ton Ton”, 40, residente ng Brgy. Domoit, Lucena City; pawang mayroong dating drug cases.
Naaresto ang dalawang suspek bandang 7:30 ng gabi sa Purok Ilang-Ilang 1, Brgy. Silangang Mayao, Lucena City sa pinagsanib puwersa ng Lucena City Police Station, Quezon Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency-Quezon, Quezon Maritime, Criminal Investigation and Detection Group-Quezon at Regional Intelligence Unit Provincial Intelligence Team Quezon.
Nasamsam sa mga suspek ang 13 piraso ng heat-sealed transparent sachets na may humigit-kumulang na timbang na 159.06 gramo na nagkakahalaga ng Php3,244,824, isang pulang pitaka, isang itim na pitaka, isang Php1,000 bill genuine money, siyam na pirasong Php1,000 bill bilang boodle money (buy-bust money) at isang motorsiklo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Ito ay bunga ng pinaigting nating kampanya kontra ilegal na droga para sa nalalapit na BSKE 2023 upang masigurado natin na ang pinansyal na bunga ng ilegal na droga ay hindi magamit para maimpluwensyahan ang mga botante at resulta ng napipintong halalan”, ani PCol Monte.
Source: Quezon Police Provincial Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel T Dulin