Sinalakay ng mga operatiba ng Southern Police District ang isang warehouse sa loob ng Veterans Center, Taguig City kung saan tinatayang mahigit sa Php3.2 milyong ilegal na produkto ng pagkain na nakaimbak ang nakumpiska nito lamang Miyerkules, Agosto 7, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Leon Victor Z Rosete, District Director ng SPD, ang mga suspek na sina alyas “Angelica”, 29, may-ari ng Negosyo; alyas “Kristine”, 44, cashier/secretary; alyas “Mark”, 33, warehouse man, at alyas “Joey”, 41, warehouse man; alyas “Jinky”; at alyas “Harry”.
Matagumpay na naisagawa ang operasyon dahil sa pinagsanib puwersa ng District Special Operations Unit sa pakikipagtulungan ng District Intelligence Division, NISG-NCR, Sub Station-2 Taguig City Police Station, at mga kinatawan mula sa Field Regulatory Operations Office (FROO) at Regulatory Enforcement Unit (REU) ng FDA, bandang 1:30 ng tanghali na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek kaugnay sa Food and Drug Administration (FDA) Law.

Inihain sa mga suspek ang Search Warrant No. 2024-052 na inisyu ni Hon. Mariam Bien, Presiding Judge ng RTC Branch 153 Taguig City. Target ng operasyon na tugunan ang ilegal na pagbebenta ng mga hindi rehistradong produkto ng pagkain, partikular na ang luncheon meat.
Nakumpiska sa warehouse ang marked money, mga resibo sa pagbebenta, at 1,355 na kahon ng hindi rehistradong luncheon meat na may tinatayang presyo sa pamilihan na Php3,252,000.
Patuloy ang kampanya laban sa ilegal na pagkain na nakakaapekto sa mga maliliit na negosyante.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos