Tinatayang mahigit Php2 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isang COMELEC checkpoint sa National Highway, Barangay Poblacion, Makilala, North Cotabato noong ika-28 ng Enero 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rolly C Oranza, Hepe ng Makilala Municipal Police Station, ang dalawang suspek na sina alyas “Mike”, 37 anyos at residente ng Barangay J.P. Laurel, Panabo City at alyas “Adzal”, 42 anyos at residente ng Barangay Baliwasan, Tabuk, Zamboanga City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rolly C Oranza bandang 4:45 ng hapon kaagad na nagsagawa ng checkpoint operation ang pwersa ng Regional Intelligence Division-12, RMFB 12, matapos makatanggap ng impormasyon na may paparating na kargamento ng smuggled na sigarilyo mula Digos, Davao del Sur patungo sa North Cotabato.
Naharang ang dalawang unit ng mini-van na may lamang 2,180 na ream ng sigarilyo na nagkakahalaga ng Php2,362,800.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10845 o “Anti-Smuggling Act” at RA 12022 o “Anti-Agricultural Sabotage Act”, ang mga nahuling suspek.
Mahigpit na babantayan ng buong hanay ng PRO 12 ang mga lansangan sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng checkpoint upang masawata ang mga lumalabag sa batas partikular sa pagpasok ng mga smuggled items sa rehiyon.