Imus City, Cavite – Tinatayang Php2,040,000 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation nito lamang Sabado, Setyembre 3, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Sherwin Boy Maglana, Officer-In-Charge, Cavite Police Provincial Office, ang dalawang suspek na sina Asnihaya Mimbalawag y Rinandang, alyas “Anna/Ash”, 20 at Naif Ampuan y Hajicasan, 20, pawang residente ng Azure, Parañaque City.
Ayon kay PLtCol Maglana, bandang 11:55 ng gabi naaresto ang dalawang suspek sa Brgy. Pasong Buwaya 2, Imus City, Cavite ng mga operatiba ng Cavite Provincial Drug Enforcement Unit, PNP Drug Enforcement Unit 4A at Philippine Drug Enforcement Agency 4A.
Narekober mula sa dalawang suspek ang tatlong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 300 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php2,040,000, 85 pirasong Php1,000 bill, isang pirasong Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang shoulder bag at isang eco bag.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang PNP sa pagpapaigting sa kampanya laban sa ilegal na droga at hinihikayat ang mga mamamayan na makiisa sa tuluyang pagsugpo ng talamak na pagbebenta at paggamit ng droga sa komunidad na nakasira sa buhay ng mga mamamayan lalo na ang kinabukasan ng mga kabataan.
Source: Cavite Police Provincial Office PIO
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin