Nakumpiska ang tinatayang Php2 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 10 at timbog ang isang babae nito lamang ika-30 ng Oktubre 2024 sa Zone 6, Barangay Bonbon, Cagayan de Oro City.
Kinilala ni Police Brigadier General Jaysen C De Guzman, Acting Regional Director ng Police Regional Office 10, ang drug suspek na si alyas “Steph”, 44 taong gulang, babae, residente ng Delima Street, Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City.
Ayon sa talaan ay pangatlong beses na itong nakulong sa kasong ilegal na droga. Dagdag pa sa nakalap na impormasyon ay nanggaling ang mga ilegal na droga sa Lanao del Sur at ipinagbebenta sa syudad ng Cagayan at Misamis Oriental.
Nakumpiska mula sa suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na nasa 300 na gramo na may tinatayang halaga na Php2,040,000, isang sling bag, isang weighing scale, isang cellphone at Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
“Patuloy po ang inyong kapulisan sa rehiyon diyes sa kampanya kontra ilegal na droga. Hinihikayat ko po ang publiko na magmasid sa paligid at ireport ang anumang ilegal na aktibidad na makikita nila sa kanilang lugar”, pahayag ni PBGen De Guzman.