Nasabat ng mga awtoridad ang 250 reams ng smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint operation sa San Pedro, Tungawan, Zamboanga Sibugay noong Pebrero 22, 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Flint S Depnag, Force Commander ng 2nd Zamboanga Sibugay Provincial Mobile Force Company, nagsasagawa ng joint COMELEC checkpoint operation ang mga tauhan ng 2nd ZSBPMFC, 903rd RMFB9, 1st ZCMFC, ZSB MARPSTA, RMU 9, at Tungawan MPS, nang parahin ang isang Hyundai silver sedan na may plakang LAG 2901 na nanggaling sa Zamboanga City at patungo sanang Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng mga awtoridad ang isang nakaumbok na bagay na nakatakip ng kulay beige na kumot sa likurang upuan ng sasakyan at nang suriin, tumambad ang mga smuggled na sigarilyo.
Kinilala ang may-ari ng sasakyan na si alyas “Al”, 21 taong gulang, binata, walang trabaho, at residente ng Barangay Santa Barbara, Zamboanga City at nang hingan ng legal na dokumento para sa mga sigarilyo, nabigo ang drayber na magpakita kaya inaresto ng mga awtoridad.
Nakumpiska ang sigarilyo na binubuo ng 246 reams ng New Berlin (pula) at apat (4) na reams ng Cannon menthol na may kabuuang halaga na Php286,500.
Patuloy ang masugid na pagbabantay ng PNP upang labanan ang anumang iligal na aktibidad tungo sa isang maunlad na Bagong Pilipinas.
Panulat ni Pat Joyce Franco