Angono, Rizal – Tinatayang Php27,234,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa tatlong suspek sa buy-bust operation ng Rizal PNP nito lamang Huwebes, Mayo 5, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Dominic L Baccay, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang tatlong suspek na sina Aries Eburlas Apeleña, alyas “Axel”, Dennis Morallos Delo Santos alyas “Dennis”, pawang mga residente ng Malabon City at Mariz Dela Cruz Sedaga, tubong Binangonan Rizal.
Ayon kay PCol Baccay, bandang 3:20 ng madaling araw naaresto ang tatlong suspek sa Blk 6, Lot 9, Grand Valley Ph2, Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal sa buy-bust operation ng Rizal Provincial Intelligence Unit at Philippine Drug Enforcement Agency-4A.
Dagdag pa ni PCol Baccay, nakuha sa tatlong suspek ang labindalawang piraso ng heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na apat na kilo at limang gramo na nagkakahalaga ng Php27,234,000 at ang perang ginamit na boodle money.
Ang tatlong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Rizal PNP sa pamumuno ni PCol Baccay ay patuloy sa kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad.
Source: Rizal Police Provincial Office
###
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Elvis C Arellano