Tinatayang Php238,000 halaga ng shabu at baril ang nasamsam ng Antipolo PNP sa Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal nito lamang ika-30 ng Disyembre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Babidi”, 25 taong gulang, residente ng Antipolo City, Rizal.
Naaresto ang suspek bandang 3:50 ng hapon sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Antipolo Component City Police Station at nakumpiska mula sa suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit kumulang 35 gramo at nagkakahalaga ng Php238,000, isang unit ng Caliber 9mm pistol na may tatlong pirasong bala, isang sling bag at isang pirasong Php500 bill bilang boodle money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang tagumpay ng operasyon ng Rizal PNP kontra ilegal na droga ay nakikita sa pagbaba ng kriminalidad, pagkakasabat ng malaking halaga ng droga at pagkakahuli sa mga pangunahing personalidad na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga. Nakakatulong din ito sa pag-alis ng takot sa komunidad at pagbibigay ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga mamamayan.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Patrolwoman Angelica Rica S Teng