Nasamsam ang tinatayang Php234,000 halaga ng shabu mula sa isang 45-anyos na babae sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police Station noong gabi ng Miyerkules, Mayo 14, 2025 sa Barangay Bagumbayan, Taguig City.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Brigadier General Joseph R. Arguelles, Acting District Director ng Southern Police District (SPD) at kinilala ang suspek na si alyas “Jackelyn”.
Nasamsam sa operasyon ang anim (6) na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 35.43 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php234,804, isang Php500 bill bilang marked money, anim (6) na piraso ng Php1,000 boodle money, at isang (1) coin purse.
Kasong paglabag sa Section 5 (Pagbenta) at Section 11 (Pag-iingat) ng Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang kakaharapin ng suspek.
“Bunga ito ng walang humpay na operasyon at dedikasyon ng ating kapulisan upang linisin ang ating mga komunidad laban sa droga. Patuloy tayong maghahanap, aarestuhin, at papanagutin ang sinumang lumalabag sa batas,” ani PBGen Arguelles.
Source: SPD PIO