Nakumpiska ng Iloilo City PNP ang Php206K na halaga ng ilegal na droga sa drug buy-bust operation sa Barangay Bito-on, Jaro, Iloilo City nong ika-5 ng Oktubre 2024.
Ang operasyon ay pinangunahan ni Police Major Eduardo Siacon Jr., hepe ng Iloilo City Police Station 9, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mag-live-in partner na kinilalang sina alyas “Jonathan,” 46 taong gulang at alyas “Ruby,” 54 taong gulang, parehong residente ng Barangay Democratia, Jaro, Iloilo City.
Nakuha mula sa mga nahuling suspek ang limang plastic ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng kabuuang 30 gramo at may Standard Drug Price na Php206,000. Bukod dito, narekober din ang Php2,500 na ginamit bilang buy-bust money.
Nasa pangangalaga na ngayon ng Iloilo City Police Station 9 ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang operasyon ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga sa rehiyon. Ang matagumpay na operasyon ay nagpapatunay sa dedikasyon ng mga awtoridad sa pagtugon sa problema ng droga sa Iloilo City.
Sa tulong ng mga lokal na komunidad at masusing pagbabantay, umaasa ang mga awtoridad na mas marami pang operasyon ang maisasagawa upang mapanatili ang seguridad at kaayusan ng mga mamamayan tungo sa bagong Pilipinas.
Source: K5 News FM Iloilo
Panulat ni Pat Glydel Astrologo