Nasamsam ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na may halagang Php205,000 sa isang search warrant operation sa Barangay Fatima, General Santos City bandang 10:55 gabi noong Pebrero 28, 2025.
Sinalakay ng mga tauhan ng General Santos City Police Office-Police Station 7, Regional Mobile Force Battalion 12, Gensan Maritime Police Station, SWAT/CMFC-GSCPO, at Regional Intelligence Division 12, ang tinutuluyan ng target ng operasyon na si alyas “Batsoy”, 42 taong gulang, residente ng nasabing lugar, subalit ito ay nakatakas.
Sa halip, apat na katao ang naabutan sa lugar at inaresto, kabilang sina alyas “Christian”, 27 taong gulang, alyas “Mar”, 27, alyas “Angel”, 18, at si alyas “Jonathan”, 32, pawang mga residente sa nasabing barangay.
Nasamsam sa loob ng bahay ang tatlong malalaking sachet at pitong maliliit na sachet ng hinihinalang shabu, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 25 gramo na may Standard Drug Price na Php205,000, pati na rin ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga nahuling suspek.
Patuloy ang PRO 12 sa pinaigting nitong kampanya laban sa iligal na droga at nananawagan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa komunidad.