Taytay, Rizal – Tinatayang Php204,000 halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Rizal PNP nito lamang Linggo, Setyembre 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Dominic Baccay, Provincial Director, Rizal Police Provincial Office, ang mga naarestong suspek na sina Nassief Dumaraya y Salic aka Nash, 29, may asawa, negosyante, residente ng K91 Karangalan Village, Brgy. Dela Paz, Pasig City at Arthur Ramos y Gonzales, 34, may live-in partner, walang trabaho, residente ng 216 Ipil Street, St. Joseph Subdivision, Brgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal.
Ayon kay PCol Baccay, bandang 3:30 ng hapon naaresto ang mga suspek sa Sitio Kalikuan Hi-way 2000, Brgy. Sta Ana, Taytay, Rizal sa isinagawang operasyon ng Provincial Intelligence Unit/ Provincial Drug Enforcement Unit ng Rizal PPO at Taytay Municipal Police Station.
Narekober sa mga suspek ang pitong piraso ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 30 gramo at nagkakahalaga ng Php204,000, dalawang pirasong printed pouch, isang 38 caliber revolver na may Serial no. 61914, limang pirasong bala ng 34 caliber, walong pirasong assorted cellphones, isang puting Honda PCX motorcycle na may MV File No. 1801-00000376816, isang Php1,000 bill na may Serial no. FH897832 at limang pirasong Php100 bill bilang buy-bust money.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang tagumpay ng Rizal PNP laban sa ilegal na droga at iba pang krimen ay bunga ng pinaigting na pakikipagtulungan sa mamamayan upang mapanatiling maayos at tahimik ang komunidad.
Source: Rizal Police Provincial Office
Panulat ni Police Executive Master Sergeant Joe Peter V Cabugon