Tinatayang Php204,550 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa isang estudyante sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Casisang, Malaybalay City, Bukidnon nito lamang Enero 6, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joepet B Paglinawan, Officer-In-Charge ng Malaybalay City Police Station, ang estudyanteng suspek na si alyas “John”, 19 anyos, residente ng nasabing lungsod.
Sa operasyon ay nakumpiska ang walong pakete ng hinihinalang shabu; isang pitaka at Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money ng mga operatiba ng Malaybalay City Police Station – City Drug Enforcement Unit katuwang ang PDEA 10.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy ang Malaybalay City PNP katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kontra ilegal na droga upang mapanatiling maayos at ligtas ang komunidad.