Nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang 58 boxes ng hindi rehistradong assorted Korean products na luncheon meat, kape, soft drinks, at juice na may kabuuang halaga na Php200,000 sa isang buy-bust operation nitong Mayo 20, 2025.
Ayon kay Police Major General Nicolas Torre III, Director ng CIDG, nangyari ang naturang buy-bust operation sa SW KOREAN FOODS mart sa Barangay Talipapa, Novaliches, Quezon City, sa pangunguna ng mga tauhan ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (CIDG AFCCU) katuwang ang Quezon City Police District.
Kinilala ang mga naaresto na sina Regie at Maricar, na siyang nagbebenta ng naturang mga produkto na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration at nagbebenta ng walang License to Operate (LTO).
Dagdag pa ni PMGen Torre III na alinsunod sa Republic Act No. 9711, o mas kilala bilang “Food and Drug Administration Act of 2009”, ang paggawa, pag-aangkat, pagbebenta, pag-aalok para sa pagbebenta, pamamahagi, paglilipat ng mga health products at pagkain nang walang naaayong awtorisasyon ay ipinagbabawal. Dahil ang mga produktong ito ay hindi dumaan sa proseso ng pagsusuri ng FDA, at hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan nito.
Samantala, pinuri naman ni PMGen Torre III ang CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU) sa naturang accomplishment. Aniya: “Lubos nating napigilan ang panganib sa kalusugan at kaligtasan na maaaring maidulot sa ating mga mamimili sa pamamagitan ng pagbili sa mga hindi rehistradong produktong ito, [ang inyong agarang aksyon ang siyang dahilan ng pagkaaresto] ng mga lumalabag sa batas. Maraming Salamat sa inyo.”
Tiniyak naman ng buong pamunuan ng CIDG sa ilalim ng kautusan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D Marbil, na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng batas at sa paghuli sa lahat ng mga lumalabag nito at hinimok ang publiko na agad na isangguni sa kanilang tanggapan sakaling may marinig na parehong mga insidente sa kanilang lokalidad.