Bacolod City – Tinatayang aabot sa Php20.5 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang narekober ng Bacolod City PNP sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Neptune, Barangay Singcang Airport, Bacolod City bandang alas-3:14 ng hapon, noong ika-17 ng Oktubre 2023.
Kinilala ni Police Captain Joven Mogato, Hepe ng Bacolod City Drug Enforcement Unit, ang nahuling suspek na si alyas “Tata”, 38, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Purok Neptune, Barangay Singcang Airport, Bacolod City.
Ang operasyon ay inilunsad ng mga operatiba ng Bacolod City Drug Enforcement Unit, katuwang ang CIT BCPO, PIT NOCPPO, RIU6, at SDET- Bacolod City Police Station 8.
Ayon kay PCpt Mogato, nakuha sa mismong bahay ng suspek ang 15 sachets ng suspected shabu, kalakip na ang buy-bust item na tumitimbang ng 3 kilo at 20 gramo na may Standard Drug Price na Php20,536,000, kabilang din sa narekober ang buy-bust money, at Php1,500 na cash.
Batay sa report, pinaniniwalaang gagamitin sana at ibebenta ang drogang nasamsam sa highlights ng Masskara Festival sa siyudad ng Bacolod.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang malaking accomplishment na ito ay resulta ng pinaigting at mas pinalakas na kampanya ng PRO 6 kontra ilegal na droga sa rehiyon, at sa mga pagsisikap na ito, tiyak na marami itong maisasalbang kinabukasan at maililigtas na kabataan mula sa mapanirang epekto nito.