Taguig City — Timbog ang mag-asawang nakasakay sa kanilang sasakyan sa Taguig City matapos mahulihan ng tinatayang Php20.4 milyong halaga ng umano’y shabu sa isinagawang One-Time Big-Time Operation ng Taguig City Police Station nito lamang Miyerkules, Disyembre 14, 2022.
Kinilala ni PBGen Kirby John B Kraft, District Director ng SPD ang mag asawang suspek na sina alyas Basser, 32, at alyas Normina, 26, na kapwa residente ng Lower Bicutan Taguig City.
Ayon kay PBGen Kraft, naaresto ang mga suspek pasado alas-11:45 ng gabi sa kahabaan ng Pendatun Street ng Old Housing Street Brgy. Maharlika Villages, Taguig City ng kapulisan ng
Taguig City Police MCU ng Sub-Station 7.
Nakasakay ang mag-asawa sa isang color gray na Toyota Vios na may plate number EAD 2382 kasama ang kanilang anak nang lagpasan nila ang checkpoint.
Sa imbestigasyon, lumalabas na pangatlong pagkakataon na ito ng mag-asawa na mag-dedeliver ng ganitong karami na droga kaya agarang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya upang matukoy kung kanino at saan ang pinagmulan ng mga ito.
Nakumpiska ng mga otoridad sa mga suspek ang nasa tatlong kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php20,400,000.
Mahaharap naman ang mag-asawa sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
Lubos naman ang pagbabantay ng pulisya sa lansangan upang masawata ang mga lumalabag sa batas partikular na sa talamak na bentahan ng mga ilegal na droga.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos